Naipanalo ng isang babaeng overseas Filipino worker (OFW) ang kasong kriminal na isinampa niya laban sa kanyang mga employer sa Malaysia matapos ipakulong ng isang korte roon ang mga akusado.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), napatunayan ng Sessions Court ng Malaysia na guilty sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons and Smuggling of Migrants Act ang mga amo ng biktimang itinatago sa pangalang Rebecca.
Batay sa rekord ng korte, tumakas si Rebecca mula sa kanyang unang employer at sinamantala naman ito ng mga sumunod niyang amo.
Doon ay nakaranas umano si Rebecca ng matinding pang-aabuso tulad ng pamamalo sa kanya gamit ang hanger, pagplantsa sa ilang parte ng kanyang katawan at binanlian pa siya ng kumukulong tubig.
Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Sarah Lou Arriola, kahit duguan at maraming sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay tumakas si Rebecca hanggang sa matagpuan ito ng isang mag-asawang Pinoy sa isang bakanteng lote bago dinala sa Philippine Embassy sa Kuala Lumpur.
Pinatawan naman ng Malaysian court ng mula sampu hanggang labin-dalawang taong pagkakabilanggo ang mag-asawang amo ni Rebecca, maliban sa mahigit P200,000 na danyos.