Sinampahan ng kasong pagpapabaya sa tungkulin sa Office of the Ombudsman sina Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Gregory Domingo at Undersecretary Vic Dimagiba.
Sa DTI isinisisi ng Coaliton of Clean Air Advocates ang paglala ng polusyon sa hangin sa Metro Manila.
Ayon sa CCAA, nabigo sina Domingo at Dimagiba na aksyunan ang direktiba ng Pangulong Noynoy Aquino na gawing aktibo ang Bureau of Automotive Maintenance na s-yang magmomonitor kung nasusunod at naipatutupad ng maayos ang mga probisyon ng Clean Air Act of 1999.
Noong unang linggo ng Hunyo ay kinasuhan na rin ng CCAA si Land Transportation Office Chief Alfonso Tan dahil sa di umano’y matinding katiwalian sa proseso ng motor vehicle emission testing na siyang ugat kaya’t nakakatakbo pa rin sa kalsada ang mga sasakyang nagbubuga ng maiitim na usok.
Batay sa datos na iprinisinta ng CCAA, nasa 10,000 katao ang nasasawi kada taon dahil sa air pollution at 80 porsyento nito ay dahil sa usok na galing sa mga sasakyan.
Hanggang nitong Marso ng taong ito, nasa 145 microgram per normal cubic meter ang RSP o Respirable Suspended Particles sa Metro Manila samantalang 90 microgram per normal cubic meter lamang ang katanggap-tanggap na lebel.
By Len Aguirre