Dalawa pang matataas na opisyal ng RCBC o Rizal Commercial Banking Corporation ang dawit sa money laundering ng nakaw na 81 million dollars mula sa Bangladesh Central Bank.
Bagamat tumanggi si Senador Teofisto ‘TG’ Guingona, Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na magbigay ng detalye, lumabas anya ang pangalan ng dalawang opisyal ng RCBC sa executive session kung saan isinalang si RCBC Branch Manager Maia Santos-Deguito.
Binigyang diin ni Guingona na posibleng marami pang malalaking tao o negosyante ang sangkot sa isyung ito.
Executive session
Samantala, nakahanda ang senado na ibunyag sa publiko ang nilalaman ng naging testimonya ni RCBC Branch Manager Maia Santos-Deguito sa executive session, hinggil sa laundering ng 81 million dollars na ninakaw sa Bangladesh Central Bank.
Ayon kay Senador Ralph Recto, pagbobotohan ng mga senador kung mahalaga bang malaman ng taongbayan ang naging testimonya ni Deguito.
Sinabi ni Recto na bagamat wala silang maibigay na detalye sa kinalabasan ng executive session, marami naman silang nakuhang lead kay Deguito hinggil sa kinasangkutan nitong krimen.
Kabilang dito anya ang misteryo ng koneksyon ni RCBC President Lorenzo Tan sa dalawang negosyanteng central figure sa isyu na sina Jason Go at Kim Wong.
Gayunman, sa tatlong personalidad, sinabi ni Recto na tanging si Wong pa lamang ang mayroong mga indikasyon na tumanggap ng pera mula sa ninakaw na pondo ng Bangladesh.
LISTEN: Bahagi ng panayam kay Senator Ralph Recto
Jupiter branch employees
Ipatatawag naman ng senado ang lahat ng empleyado ng RCBC Jupiter Branch.
Ayon kay Senador Ralph Recto, lumalabas na tila kakampi lahat ni RCBC Branch Manager Maia Santos-Deguito ang mga empleyado ng RCBC Jupiter Branch.
Maliban anya ito kay Romualdo Agarrado, Reserve Officer ng RCBC na tumestigong nakita niya nang ilipat sa kotse ni Deguito ang P20 million pesos na inilabas sa RCBC noong February 5.
Sinabi ni Recto na pagkatapos nilang magisa ang lahat ng tiga-RCBC ay isusunod na nila ang mga opisyal ng PAGCOR na nagpapatakbo ng mga casino.
Binigyang diin ni Recto na maituturing ring center figure sa money laundering isyu na ito ang Philrem na siyang pinagdaanan ng pera.
By Len Aguirre | Karambola