Tutol ang dalawang alkalde sa Metro Manila sa panukala ng National Economic and Development Authority (NEDA) na mailagay sa modified general community quarantine (MGCQ) ang buong bansa.
Kasunod na rin ito nang paghingi ng pasensya nina San Juan Mayor Francis Zamora at Marikina City Mayor Marcelino Teodoro sa mga residente at hiniling sa gobyerno na ikunsidera ang advice ng eksperto hinggil sa usapin.
Sinabi ni Zamora na mananatili sa ilalim ng GCQ ang kanilang lungsod lalo na’t parating naman na din ang mga bakuna.
Kaunting tiyaga na lamang at nakikita na aniya niya ang liwanag sa dulo nang pinagdadaanang pandemya.
Ayon naman kay Teodoro, ang quarantine classification ay dapat ibase, hindi lamang sa pananaw ng economic experts, kundi maging ng mga expert din sa kalusugan.
Sinabi ni Teodoro na naiintindihan naman niya ang layon ng NEDA sa pagsusulong ng MGCQ status sa buong bansa bilang solusyon sa aniya’y pandemic induced recession na nararanasan ng bansa.
Binigyang diin kapwa nina Zamora at Teodoro na dapat makonsulta ang mga alkalde sa Metro Manila sa isyu nang pagpapaluwag ng quarantine restrictions.