Muli na namang nagkasagupa ang mga tropa ng Militar at mga miyembro ng Daulah Islamiya – Maute Group sa Brgy. Lumbac, Balabagan, Lanao del Sur.
Ayon kay Western Mindanao Command Chief, Lt/Gen. Alfredo Rosario Jr, nagsasagawa focused military operations ang kanilang mga tauhan nang maka-engkwentro ang grupo ni Polo Alim.
Matapos ang bakabakan, nakuha ng mga sundalo katuwang ang Balabagan Municipal Police ang bangkay ng isa sa mga terrorista gayundin ang ilang kagamitan kabilang na ang M-16 rifle, M203 Grenade Launcher, cellphone, granada at ilang drug paraphernalia.
Sa panig naman ni Joint Task Force Central Commander MGen. Juvymax Uy, sinabi nito na may ilan pang terrorista ang nasawi subalit binitbit ito ng kanilang mga nagsitakas na kasamahan .
Habang 4 na sundalo ang nasugatan at agad dinala sa Dr. Serapio Montaner Medical Hospital para duon lapatan ng agarang lunas at kalauna’y inilipat sa Camp Siongco Station Hospital, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao para duon magpagaling. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)