Sumuko sa mga otoridad sa Cotabato City ang dalawang batang recruit ng ISIS-inspired Dawlah Islamiah.
Kasama ang kanilang mga magulang at iba pang kaanak, ang mga recruit na kinilala lamang na Bai, isang babae at beinte kuwatro anyos at dalawamput isang taong gulang na si Datu ay nagpasyang sumuko.
Sinabi ni Bai na nakumbinsi siyang sumali sa terror cell group tatlong taon na ang nakakalipas dahil sa outreach programs ng grupo para sa mga kabataan at Muslim orphans.
Ayon naman kay Datu, napilitan siyang tumigil sa pag aaral at hindi na makahanap ng maayos na trabaho para makatulong sa kaniyang pamilya matapos sumali sa grupo.
Ipinabatid nina Bai at Datu na nangyari ang recruitment sa kanilang barangay at ginagawa rin anila ito ng mga terorista sa mga eskuwelahan at tina target ang conservative at Muslim converts.
Bibigyan ng seguridad ng task force kutawato ang mga sumukong recruits dahil sa posibleng bantang pagganti sa mga ito.
Isasalang din sa de-radicalization sina Bai at Datu, na isang taon ding nakumbinsi bago tuluyang sumuko sa mga otoridad.