Nasa balag ng alanganin ang 2 miyembro ng PNP-Highway Patrol Group matapos ireklamo ng sinasabing pananakit sa isang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA.
Sa kanyang sinumpaang salaysay sa Traffic Discipline Office ng MMDA, iginiit ni Traffic Auxilliary Leon Trinidad na sinaktan umano siya ng isang Police Sr. Insp. Maranion at isa pang tauhan nito noong Setyembre 22 matapos mabigong ibigay ang driver’s license ng isang Mark Nicolas.
Sinasabing isinumbong si Nicolas sa mga HPG personnel na nasa kanya ang lisensiya nito dahilan upang saktan siya ni Maranion.
Isiniwalat ni Trinidad na hinataw umano siya ng helmet sa dibdib ng tauhan Maranion habang sinipa naman siya nito sa hita bago hinampas ng handheld radio.
Ayon kay Emerson Carlos, MMDA Assistant General Manager for Operations, itinulak na nila ang reklamo sa legal department ng ahensya para sa kaukulang aksiyon laban sa mga tauhan ng PNP-HPG.
By Jelbert Perdez