Patay ang dalawang (2) miyembro ng New People’s Army o NPA matapos ang isang oras na pakikipagbakbakan sa mga sundalo sa New Bataan, Compostela Valley.
Ayon kay 66th Infantry Battalion Commander Lt. Col Palmer Arungao, nagtungo ang mga sundalo sa Barangay Bantacan matapos na magpasaklolo ang mga residente doon dahil sa harassment ng mga rebelde.
Matapos ang engkwentro, nakuha ang mga bangkay ng mga miyembro ng npa kasama ang mga limang high-powered na mga baril, rifle grenade, electrical wires at mga improvised explosive device o IEDs.
Habang nasa ligtas na kalagayan na ang isang sundalong nasaktan sa nangyaring bakbakan.
Samantala, malugod namang tinanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dalawang sumukong miyembro ng NPA na iniharap sa kanya sa Davao City.
Sa kanyang pakikipagkita sa mga dating rebelde, umapela si Pangulong Duterte ng suporta para sa kanyang administrasyon.
Nangako rin ang Pangulo na bibigyan ng proteksyon at tulong ang dalawang sumukong NPA members kabilang ang pabahay, financial assistance at food packs.
Kasabay nito, sinabi ni Pangulong Duterte na umaasa siyang makakamtan na ng bansa ang kapayapaan at mananatiling prayoridad ng kanyang administrasyon ang seguridad sa buong bansa.
—-