Dahil sa hirap ng buhay sa pamumundok kaya nagpasya nang sumuko sa mga operatiba ng militar at pulisya ang dalawang miyembro ng New People’s Army o NPA sa lalawigan ng Aurora.
Kinilala ni LtCol. Reandrew Rubio, Commanding Officer ng Army’s 91st Infantry Battalion ang mga sumukong NPA sa mga alyas na “Ka Max” at “Ka Dodong”.
Ayon kay Rubio, bunga ito ng pinagsanib na aksyon ng 91st IB ng militar at ng 1st Provincial Mobile Force Company ng Aurora PNP mula sa mga Police station ng Baler at Maria Aurora.
Sinabi pa ni Rubio na nabuwag na ang isang grupo ng NPA sa lugar kaya’t inaasahan pa nilang darami pa ang mga susukong rebelde.
Sa panig naman ng Army’s 7th Infantry Division, sinabi ni MGen. Alfredo Rosario Jr, sa pamamagitan aniya ng mas pinalakas nilang intelligence operations, tiyak na marami na sa mga rebelde ang magpapasyang magbalik loob na lamang upang makapamuhay ng tahimik at payapa.
Dahil dito, hinimok ni Rosario ang iba pang rebelde na nasa bundok na sumuko na lamang at magbalik loob na dahil tiyak na hahabulin sila ng kamay ng batas.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)