Pinasisibak ng PNP-Internal Affairs Service (IAS) ang dalawang miyembro ng maritime group matapos masangkot sa pamamaril na ikinasawi ng mangingisdang si Kiel Kintanar sa Cabadbaran, Agusan Del Norte noong Hulyo.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, lumabas sa imbestigasyon na sinadya nila Police Senior Master Sergeant Rizal Torricer at Patrolman Ariel Jay Panes ang pamamaril sa bangkang pangisdang sinasakyan ng biktima.
Una nang pinatitigil ng dalawang pulis ang bangka nila kintanar sa gitna ng kanilang pagpapatrolya subalit sa halip na huminto ay humarurot pa ang bangka kaya’t hinabol ito ng mga pulis.
Gayunman, binigyang diin ni Triambulo na hindi warning shot ang ginawa ng mga pulis kundi pinaputukan mismo ang bangka at tinamaan si Kintanar. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)