Kinondena ni Cong. Mujiv Hataman ang pag-aresto ng walang warrant sa dalawang Muslim sa Maynila na inaakusahan drug dealers.
Ayon kay Hataman, kung totoo ang alegasyon laban kina Saadudin Alawiya at Abdullah Maute, dapat ay bumuo ng mahigpit na kaso ang pulisya at hindi dapat idinaan sa kawalan ng due process.
Batay aniya sa testimonya ng mga kapitbahay at kaanak ng dalawa, hindi man lang nagpakita ng identification cards ang mga umaresto sa dalawang Muslim at wala rin silang dalang anumang warrant nang halughugin ang tahanan ng dalawa.
Binigyang diin ni Hataman na dapat itong imbestigahan ng PNP dahil malinaw na pang-aabuso sa kapangyarihan ang nangyari.
Nakakapangamba rin aniya na lalong dumami ang mga kahalintulad na insidente lalo na kapag naisabatas ang anti-terrorism bill.