Patay ang isang doktor at kasambahay nito sa Barangay Sambag Uno sa Cebu City matapos ma-trap sa nasusunog nitong bahay.
Kinilala ang mga biktima na sina Dr. Glenda Mayol-Neri, 80-anyos, at Francisca Epel Fomentera, 71-anyos.
Ayon kay Fire Officer 2 Fulbert Navarro, natagpuan ang mga biktima sa ikalawang palapag ng naturang bahay kung saan may takip pa ng unan ang mukha ng mga ito para hindi anila makalanghap ng usok.
Sinubukan pang isugod ng mga otoridad sa ospital ang mga biktima subalit binawian na ng buhay ang mga ito sa ambulansya pa lamang.
Kuwento ng mga kapitbahay ng mga biktima, narinig nilang humihingi ng tulong ang mga ito na nirespondehan naman nila subalit hindi sila makapasok dahil nakakando ang gate ng bahay.
Halos P5-milyon ang danyos ng naturang sunog na nakaapekto rin sa tatlong pamilya.
Patuloy namang iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection ang dahilan ng nasabing sunog.