Nakatakdang dumating ng bansa, ngayong araw, Setyembre 19 ang dalawang nakaligtas na Filipino seafarers mula sa lumubog na cargo vessel sa karagatang malapit sa Japan.
Batay ito sa ipinadalang ulat ni Philippine Overseas Labor Office (POLO) Labor Attache Elizabeth Marie Estrada kay Labor Secretary Silvestre Bello III.
Ayon kay Estrada, alas 5:00 mamayang hapon, inasahang darating ng Manila mula Narita Airport ang eroplano ng Philippine Airlines, sakay ang mga Filipinong tripulante na sina chief Officer Eduardo Sareno at A/B Jay-Nel Rosales.
Magugunitang nailigtas ng Japan Coast Guard si Sareno noong Setyembre 3 habang si Rosales ay Setyembre 6.
Kapwa kabilang ang mga ito sa 43 tripulante ng MV Gulf Lifestock 1 na lumubog matapos makaranas ng problema sa makina sa gitna ng pananalasa ng bagyo sa karagatan ng Southern Japan.