Nananatili naman sa 2 ang bilang ng mga nasawi dulot ng mga pag-ulang dala ng hanging habagat na pinalakas ng Bagyong Ineng sa Ilocos Norte.
Unang ipinabatid ng Laoag City Disaster Risk Reduction and Management Office ang pagkasawi ng kinilalang si Ricky Manlanlang na residente ng Barangay 16 dahil sa pagkalunod makaraang anurin ng rumaragasang baha habang sinasagip ang isang pamilya.
Kasunod nito, kinumpirma sa DWIZ ni Marcell Tabije, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Ilocos Norte ang pagkasawi ng isang 17 anyos na dalagitang nakilala na si Pauleen Joy Corpuz sa bayan ng Pasuquin.
Ito pong namatay sa Barangay Pasuquin si Pauleen Joy Gamboa Corpuz, 17 years of age, taga Brgy. Sta. Catalina Pasuquin po ito. Dahil malakas ang ulan wala po s’yang nasakyan pauwi sa kanila so, ang nangyari po, nakikulob dun sa kamag-anak sa Pasuquin then unfortunately nagkaroon po ng landslide at siya po ang casualty,” ani Tabije.
Kasundo nito, ini-ulat din ni Tabije na nangamatay na rin ang maraming alagang baka at kalabaw sa kanilang lalawigan at inaalam pa kung ilan ang bilang nito.
Yes po, may mga naanod po na mga livestock, despite yung panawagan natin na dalhin na sa animal shelter, sa safer grounds yung mga livestocks may mga advisory na po tayo dun, may mga naanod pa din na mga livestocks,” ani Tabije.