Ikinakasa na ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang patumpatong na kaso laban sa dalawang negosyante sa Dasmariñas City, Cavite dahil sa pagbili at pag-iingat ng matataas na kalibre ng mga armas.
Iniharap ni CIDG Dir. Maj. Gen. Amador Corpuz ang matataas na kalibre ng armas na nakumpiska mula kina Joseph De Lima at Rolly Iliw-Iliw na naaresto sa bisa ng isang search warrant sa isang compound sa Sitio Humayo, Barangay Langkaan Dos.
May pag-aari umanong firing range si De Lima sa Cavite habang kasamahan nito si Iliw-Iliw sa pagbebenta ng mga bala sa kanilang mga parokyano.
Inaalam na rin aniya nila kung kanino at saan nakuha ang mga nasabat na armas lalo’t nabatid na may ilang pagmamay-ari rito ang pamahalaan at kung may pulitiko rin silang tagatangkilik.
Kabilang sa mga nasabat ang isang shotgun, calibre 9 mm, tatlong calibre 45 at mahigit 5,000 bala ng iba’t ibang may kasamang isang kilong gun powder.
Ang nasabing operasyon ay bahagi ng anti-criminality campaign ng PNP para sa eleksyon 2019 sa Mayo 13.