Arestado ang dalawang hinihinalang miyembro ng African drug syndicate sa ikinasang entrapment operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Cavite.
Kinilala ang mga suspek na sina Agu Agustin Chukwuebuka at Nkwocha Chimaobi na kapwa Nigerian Nationals na sangkot sa malakihang distribusyon ng droga sa Bicol Region at CALABARZON.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, nadakip ang dalawang Nigerian nang bentahan ng mga ito ang kanilang operatiba ng labing isang sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng nasa dalawa’t kalahating milyong Piso.
Gayunman, matapos aniya nilang siyasatin ang 11 sachet kanilang natuklasan na siyam sa mga ito ay hindi totoong shabu.
Sa kabila nito, ikukunsidera pa rin ng PDEA na 11 ang nakumpiskang shabu sa mga suspek dahil ibenenta ito bilang mga totoo.