Patay ang dalawang miyembro ng New People’s Army o NPA habang sugatan ang isang sundalo matapos ang nangyaring engkwentro sa bayan ng Lopez, lalawigan ng Quezon.
Base sa ulat ng militar, naganap ang sagupaan ng mga rebeldeng grupo at ng 85th infantry battalion ng 201st brigade, dakong 11:30 kagabi, sabado de gloria.
Sa lakas ng opensiba ng tropa ng pamahalaan, napilitang umatras ang NPA at iniwan na lamang sa lugar ang mga nasawing kasamahan.
Narekober sa war site ang isang m-16 sniper rifle, isang ak47, isang rifle grenade, mga communication equipment, personal belongings, at mga mahahalagang dokumento na pag-aari ng NPA.
Patuloy naman ang manhunt operations ng militar matapos makatanggap ng report na ilang sugatang NPA rebel ang namataan sa lugar.