Dalawang opisyal ng Philippine National Police ang sinibak sa pwesto ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde ang kasunod ng nangyaring misencounter sa pagitan ng mga sundalo at pulis sa Sta. Rita Samar.
Ayon kay Albayalde, kanyang ipinag-utos ang pagrelieved kina Superintendent Glen Oliver Cinco, Officer-In-Charge ng Regional Mobile Force Battalion 8 at Chief Inspector Don Archie Suspeñe, Commander ng 805th Mobile Company para magbigay daan sa isasagawang imbestigasyon sa insidente.
Batay sa ulat, pinangungunahan ni Suspeñe ang isang minor combat operations sa Barangay San Roque nang kanilang makasagupa ang militar na naging dahilan naman ng pagkasawi ng anim na pulis at pagkasugat ng siyam na iba pa.
Samantala, sinabi naman ni PNP Region 8 Director Chief Supt. Mariel Magaway na tutukan ng binuong special investigation task group ang mga posibleng lapses sa koordinasyon sa pagitan ng AFP at PNP.
Aniya, nakapagtatakang hindi nakilala ng dalawang grupo ag isa’t isa gayung parehong nakasuot ang mga ito ng uniporme at naka-full battle gear.
Kasabay nito, tiniyak ni Magaway na hindi makaapekto sa relasyon ng PNP at AFP ang nasabing insidente at mananatili pa rin ang kanilang malapit na pag-uugnayan ng dalawang grupo.