Puno na ng mga pasyenteng may COVID-19 ang dalawang pribadong ospital sa Lucena City, sa Quezon dahil sa patuloy na paglobo ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa lungsod na ito.
Ayon sa Mount Carmel Diocesan General Hospital, “full capacity” na ang kanilang COVID ward at emergency room kaya’t inaabisuhan nila ang mga pasyente na nakararanas ng mga sintomas ng COVID-19 na sa ibang ospital na lamang magpa-admit.
Ganito rin ang pahayag ng Lucena United Doctors Hospital and Medical Center habang beyond capacity na ang kanilang Neonatal Intensive Care Units.
Batay sa latest COVID-19 bulletin ng City Public Information Office, umabot na sa 408 ang active COVID-19 cases matapos ang 22 na bagong kasong naitala kahapon.
Ang Lucena lamang ang may kumpletong pasilidad ng mga ospital sa Quezon na kayang magbigay-serbisyo sa mga taong tinatamaan ng sakit dulot ng COVID kaya’t ito ang pangunahing destinasyon ng mga ambulansya sa buong lalawigan. —sa panulat ni Drew Nacino