Dalawang Palestinian ang patay sa inilunsad na airstrikes ng Israeli forces sa Gaza sa gitna ng tumitinding tensyon makaraang kilalanin ni US President Donald Trump ang Jerusalem bilang kabisera ng Israel.
Tinarget ng Israeli defense forces ang apat na pasilidad na kontrolado ng Hamas Palestinian Islamist group bilang ganti sa pagpapakawala ng mga rocket ng nasabing grupo.
Pinasabugan din ng Israeli Air Force ang training compound at ammunition warehouse ng Hamas.
Naganap ang mga pag-atake habang abala sa pagpo-protesta ang mga Palestinian na kontra sa deklarasyon ni Trump.
Kapwa inaangkin ng mga Hudyo at Kristiyano mula Israel at Muslim mula Palestine ang Jerusalem bilang kanilang kabisera sa nakalipas na mahigit isanlibong taon.