Timbog ang dalawang pamangkin nina dating Agriculture Secretary Proceso Alcala at Quezon Congressman Vicente Alcala at apat na iba pa sa isang drug bust sa bayan ng Sariaya.
Ayon kay Quezon Provincial Police Director Senior Supt. Antonio Yarra, dinampot ng mga awtoridad si Sahjid Alcala, itinuturing na high value target watch list ng illegal drug suspects matapos magbenta ng shabu sa isang undercover policeman sa barangay Balubal kaninang ala-1:15 ng madaling araw.
Si Sahjid ay anak ni Cerilo Athel Alcala, nakababatang kapatid nina Proceso at Vicente.
Una nang inilarawan ng mga pulis ang mag-amang Cerilo at Sahjid bilang most influential drug personalities sa Quezon dahil sa kanilang political connection.
Bukod kay Sahjid, arestado rin sa naturang drug bust nakakabatang kapatid nitong si Cerolleriz at mga kasamahan nilang sina Joel Jamilla Lambit, Noel Abutin, Dona May Abastillas at Yumiko Angela Tan.
Nakumpiska sa grupo ni Sajid ang tatlong kotse, isang motorsiklo at mahigit 60 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng halos P116,000.
Magugunitang dalawang buwan nang nakakalipas ay inaresto rin ng mga awtoridad ang ina ni Sajid na si Maria Fe at kapatid nilang si Toni Ann sa drug bust malapit sa Tayabas City.
Samantala, makalipas ang 3 oras ay dinampot naman ng mga awtoridad sa drug bust sa Lucena City ang mga hinihinalang drug pushers na sina Magtaas Enverga, Nor Langcaon at Ronalyn Monterde Langcaon na nakuhanan ng halos P134,000 na halaga ng shabu.
By Judith Larino