Patuloy na nakararanas ng aftershocks sa bahagi ng Lubang Island sa Occidental Mindoro matapos tumama ang Magnitude 6.4 na lindol kahapon.
Batay sa datos ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nakapagtala sila ng humigit kumulang 140 na mga aftershocks sa nakalipas na 24 oras.
Naglalaro ang lakas nito sa magnitude 1.3 hanggang 4.3 sa bawat pagyanig na naramdaman sa nabanggit na panahon.
Kasunod niyan ay iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na 2 kabahayan na tinutuluyan ng 2 pamilya ang apektado ng naturang lindol bagaman wala namang naitalang casualties.
Patuloy na nagbabala ang NDRRMC na asahan pa rin ang mga aftershocks lalo’t ang pagyanig ay tectonic in origin dulot ng paggalaw ng Manila Trench. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)