Dalawa pang pasaway na hukom ang pinarusahan ng SC o Supreme Court matapos sibakin si Judge Exequiel Dagala ng Dapa-Socorro Municipal Circuit Trial Court sa Dapa, Surigao del Norte dahil sa kasong Immorality.
Pinatawan ng dalawang taong suspensyon si Judge Zaldy Docena ng Malabon City Regional Trial Court (RTC) Branch 170 dahil sa kuwestiyonableng pagpapalabas ng search warrants na ginamit sa labas ng Malabon na paglabag sa Rule 126 ng Rules of Court na nagtatakda ng proper venue kung saan gagamitin ang search warrant.
Sa unang rekomendasyon ay ini-utos ng SC na dapat sibakin sa tungkulin si Judge Docena pero isinaalang-alang ang tatlumpung (30) taon sa serbisyo ng hukom at ito pa lamang naman ang unang pagkakataon na siya ay pumalpak.
Samantalang pinagmulta naman ng P20,000.00 si Judge Celso Magsino Jr. ng Malabon City Regional Trial Court (RTC) Branch 74 dahil sa pagpapairal ng sariling polisiya sa pagra-raffle ng mga karaniwang kaso.
Binalaan naman ng SC ang dalawang hukom na huwag ng uulitin ang pagkakamali dahil papatawan na ang mga ito ng mas mabigat na parusa.