Inaasahang mapapalakas pa ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig ang kanilang kampaniya para mabakunahan kontra COVID 19 ang kanilang nasasakupan
Ito’y makaraang buksan ang ika-4 at ika-5 vaccination sites na matatagpuan sa sa Maharlika Elementary School sa Brgy. Maharlika at EM’s Signal Village Elementary School na nasa Brgy. Central Signal nitong Miyerkules.
Ayon kay Taguig City Mayor Lino Cayetano, karagdagan ito sa naunang 3 vaccination sites na kinabibilangan ng Mega vaccination hubs sa Lakeshore sa Brgy. Lower Bicutan, Vista Mall Parking Building sa Brgy. Calzada at community vaccination center sa RP Cruz Elementary School na nasa Brgy. New Lower Bicutan.
Magugunitang nagsimula na ang pagbabakuna sa lungsod nuong Marso a-31 sa mga nasa COVID 19 priority list buhat sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at magpapatuloy ito hanggang sa maubos ang kanilang suplay ng bakuna.
Inaasahan namang sa ika-3 bahagi ng taong ito darating na sa Lungsod ang mga biniling bakuna ng Lokal na Pamahalaan mula sa AstraZeneca, Covovax, Covaxin, at Moderna kasabay ng pagdaragdag ng vaccination sites.
“Vaccination is one of the main components to contain the virus and move forward to the new normal. Despite the case surges and being under the ECQ guideline, Taguig is pushing all its efforts to strengthen our science-based and expert-approved initiatives,” pahayag ni Taguig City Mayor Lino Cayetano.
Dahil dito, hinikayat din ng alkalde ang mga residente ng lungsod na magparehistro sa TRACE Taguig para sa vaccination schedule.