Patay ang dalawang miyembro ng MILF o Moro Islamic Liberation Front habang sugatan naman ang dalawa pa nilang kasamahan makaraang makabakbakan muli ang ISIS-inspired group na BIFF o Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa Barangay Andavit at Barangay Datu Salibo Maguindanao, ala-1:00 ng hapon, kahapon.
Batay sa impormasyon mula sa PNP-ARMM, nasa ilalim ng isang commander Abu Torayfe ang mga BIFF member na nakaputukan ng MILF.
Kinilala ang mga nasawing MILF members na sina Mustapa Musa, 24 anyos at Muhamad Kadil, 40-anyos.
Sugatan naman ang mga kasamahan nilang sina Surani Abelusa, 50-anyos at Taha Sabpa, 30-anyos.
Hindi pa naman masabi ng mga awtoridad kung may nalagas o nasugatan mula sa panig ng BIFF.
Nagsimula ang bakbakan ng BIFF at MILF sa Maguindanao nitong Agosto 2.
—-