Dalawa ang patay habang tatlo naman ang sugatan matapos araruhin ng isang jeep ang tatlong motor at isang tricycle sa kahabaan ng M.H. Del Pilar St., Sitio Suyok, Brgy. Plaza Aldea, Tanay, Rizal.
Base sa imbestigasyon ng Tanay Police, nakatulog ang driver ng jeep na kinilalang si Virgilio Duran, 58-anyos kaya nawalan ng kontrol sa manibela at nabangga ang mga biktima sa gilid ng kalsada.
Kabilang sa mga nasawi ay ang isang senior citizen na taga Sitio Suyuk, brgy. Plaza Aldea na nag-aabang lamang ng masasakyan habang ang iba namang biktima ay pawang may kinakausap umano sa gilid ng kalsada nang maganap ang insidente.
Nagtamo naman ng malubhang sugat sa katawan ang tatlo pang biktima na dinala sa Rizal Provincial Hospital System sa Morong, Rizal at East Avenue Medical Center, Quezon City.
Nahaharap sa kasong Homicide with Multiple Serious Physical Injuries with Multiple Damage to Properties ang Driver ng Jeepney.