Dalawa ang patay habang 13 iba pa ang sugatan sa nangyaring karambola ng tatlong sasakyan sa bayan ng Atimonan, lalawigan ng Quezon.
Ayon sa Atimonan PNP, nabangga ng isang truck ang Mitsubishi l300 van at isa pang Isuzu drop side truck habang binabagtas ang Diversion Road sa Barangay Sta. Catalina, 3:00 kaninang madaling araw.
Ayon kay C/Insp. Michael Encio, hepe ng Atimonan PNP, dead on the spot ang dalawang sakay ng van na kinilalang sina Shielo Corbito at Evelyn Asiao.
Habang sugatan naman ang driver ng van kasama ang magkaka-mag-anak na sina Elisio, Irine, Justine, Analyn at Alvin Asiao gayundin sina Medina Castillo, Arlene Corbito, James Angelo Bernal at Brixter Rita.
Sinasabing nawalan umano ng preno ang minamanehong truck ng isang Elmer Gomez kaya’t binangga nito ang van at sa lakas ng impact ay nadamay na rin ang Isuzu truck.
Sugatan si Gomez gayundin ang dalawang kasama nito na sina Michael Rosales at Guillermo Chavez habang isinugod naman sa ospital ang iba pang mga biktima sa Doña Martha Memorial District Hospital.