Dalawa ang patay matapos mauwi sa engkuwentro ang ikinasang buybust operation ng Philippine National Police–Drug Enforcement Group (PNP-DEG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa bahagi ng Parañaque City kahapon, Hunyo 6 .
Kinilala ang dalawang nasawi na sina Danny Agipa at Jin Long Cai na sinasabing kaanak ng isa sa mga naarestong suspek sa buybust operation sa Marilao, Bulacan nitong nakalipas na Huwebes.
Batay sa ulat, nabilhan ng mga awtoridad ang mga suspek ng dalawang kilong shabu at 14 kilo pa bilang consignment.
Gayunman, naalarma umano ang mga suspek nang dumating na ang backup na sasakyan ng mga awtoridad dahilan naman kaya nagtangkang tumakas ang mga ito at nakipagbarilan hanggang sa masawi.
Nasabat naman ng PNP-DEG at PDEA sa sasakyan ng mga suspek ang nasa 36 pang bloke ng hinihinalang shabu na nakabalot papel na may Chinese characters.
Tumitimbang ang mga ito ng 36 na kilo na tinatayang may street value na mahigit P244-milyon.