Dalawa na ang patay sa landslides at flashfloods bunsod ng walang tigil na ulang dulot ng cold front sa lalawigan ng Compostela Valley.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Dennis Pesadilla at Rommel Gogo na natabunan ng gumuhong lupa sa mga bayan ng Compostela at Montevista.
Ayon kay Provincial Disaster Action Officer Randy Loy, pinaghahanap naman ang 12 anyos na babae na kinilalang si Krisel Hermosura na inanod sa Handurumog River sa bayan ng Nabunturan.
Sa ngayon ay nasa 900 pamilya na ang nagsilikas sa 11 bayan ng Compostela Valley dahil sa flashfloods at landslides.
Samantala, putol pa rin ang supply ng kuryente sa ilang bahagi ng Monkayo matapos magbagsakan ang ilang poste.
—-