Patay ang magkapatid matapos matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang bahay sa Hapay na Mangga, barangay Dolores Taytay, Rizal kaninang alas-4:00 ng umaga.
Kasunod ito ng walang tigil na buhos ng ulan dala ng bagyong Maring.
Ayon kay Engineer Elmer Espiritu, head ng Taytay MDRRMO, idineklarang dead on arrival ang magkapatid na sina Justine Pundal, 14-anyos at June Pundal-17 anyos.
Buhay naman pero nabalian ng kamay ang nanay ng mga biktima na si Judith Pundal.
Ayon kay Espiritu, nakapuwesto ang bahay ng mag-iina sa gilid ng creek na tinukoy na noon na landslide prone area.
Kahapon pa aniya nag-ikot at nakiusap ang mga barangay official na magsilikas ang mga residente doon pero iilan lang ang sumunod.
Nakatakda namang magpatupad ng forced evacuation ang MDRRMO ng Taytay sakaling lumalala pa ang sitwasyon upang maiwasang maulit ang ganitong klaseng insidente.
—-