Pinagsama na lamang ng Court of Appeals (CA) ang dalawang petisyon na isinampa ni Senador Leila De Lima para mapigil ang Department of Justice o DOJ sa imbestigasyon sa umano’y pagkakasangkot sa illegal drug trade.
Ang 17th Division ng CA ang may hawak sa petisyon kaygnay sa preliminary investigation ng DOJ sa alegasyong kumubra ng P8-M protection money si De Lima mula kay Kerwin Espinosa.
Samantala, ang 6th Division naman ng CA ang may hawak sa petisyon ni De Lima na kumukuwestyon sa imbestigasyon sa mga akusasyon hinggil sa umano’y papel nito sa paglaganap ng illegal drugs sa loob ng NBP o New Bilibid Prisons noong siya ang Justice Secretary.
Ang resolusyon ay sinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul Inting at sinang ayunan nina Associate Justices Marlene Gonzales-Sison at Ramon Cruz.
CHR mahigpit na binabantayan ang seguridad ni De Lima
Mahigpit na mino-monitor ng CHR o Commission on Human Rights ang sitwasyon ni Senador Leila De Lima.
Ayon kay CHR Commissioner Karen Dumpit, nangangamba sila sa kaligtasan at seguridad ni De Lima na aniya’y tanging babae sa 26 kataong nakakulong sa Philippine National Police o PNP Custodial Center.
Ilan aniya sa kasama ni De Lima sa Custodial Center ay mga inimbestigahan nito noong pinuno pa siya ng CHR at Department of Justice.
Sinabi ni Dumpit na patuloy nilang bibisitahin ang kulungan ni De Lima para matiyak ang seguridad ng senadora.
By Judith Larino