Dalawang adult Philippine Tarsier ang nasagip ng mga otoridad sa Sitio Kamboling, Barangay Calabanit, sa Munisipalidad ng Glan, Sarangani Province.
Ayon sa mga tauhan ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang Municipal Councilor hinggil sa dalawang tarsier na iligal na inaalagaan sa isang farm.
Agad itong pinuntahan ng mga otoridad upang suriin ang kalusugan at lagay ng dalawang Tarsier kung saan, nakitang aktibo, walang sugat, at malusog ang mga ito base narin sa pagsusuri na ginawa ng Municipal Veterinarian.
Nabatid na itinuturing na near threatened species ang mga Philippine Tarsier sa ilalim ng International Union of Conservation of Nature (IUCN) dahil sa bumababang populasyon ng mga ito.
Sa ilalim ng Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act, pinoprotektahan at ipinagbabawal ang pangangaso, pagpatay, at pag-aalaga ng mga Philippine Tarsier.
Dahil dito, inihatid o itinurn-over na ng mga lokal na opisyal ang dalawang tarsier sa Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) at pareho din itong pinakawalan sa isang ligtas na lugar.
Bukod pa dito, nagsagawa narin ang CENRO ng Information Education, and Communication (IEC) campaign sa mga komunidad para maturuan ang mga residente sa kahalagahan ng mga wildlife species sa bansa.