Nailigtas nang nagpapatrolyang US warship ang dalawang mangingisdang Pilipino na nasiraan ng makina ng bangka sa bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon sa US Pacific Fleet, nagsasagawa ng routine patrol ang guided missile destroyer USS Mustin nang mapansin ng kanilang watch standers ang dalawang Pinoy fishermen na kumakaway sa laot.
Sinasabing bagamat may tubig, wala nang pagkain ang dalawang mangingisda na wala ring paraan para makapagpasaklolo sa kanilang mga kasamahan at maging sa Philippine Coast Guard.
Ang nasabing bangka ay kaagad binatak ng USS Mustin bago nakipag-ugnayan sa mga kasamahan ng mga naturang mangingisda na pinakain na rin ng mga sundalong Amerikano.
Sinabi ni Navy Commander Waren Smith, Commanding Officer ng USS Mustin na mabilis silang nakipag-usap sa dalawang Pinoy fishermen dahil sa mga tauhan nilang Filipino-American.
—-