Pinai-imbestigahan na ng Department of Foreign Affairs o DFA kung may posibilidad ng “foul play” sa magkasunod na ulat ng pagpapakamatay ng dalawang Pinay household service workers sa Lebanon at Saudi Arabia.
Ayon sa DFA, batay sa ulat ng embahada ng Pilipinas sa Beirut Lebanon, isang Pinay domestic worker na tubong Cagayan ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon sa ika-anim na palapag ng tinitirahang gusali ng employer nito noong Hunyo 11.
Habang isa pang Pinay domestic worker na nagmula sa Agusan del Sur ang iniulat ng Philippine Embassy sa Riyadh na nagbiti naman sa mismong bahay ng kanyang employer sa Al Hasa.
Kasabay nito, nagpaabot naman ng pakikiramay si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa pamilya ng mga nasabing OFW.
Tiniyak din ni Cayetano ang tulong sa pamilya ng mga nasawing OFW kabilang na ang agarang pag-repatriate sa labi ng mga ito.
—-