Patay ang dalawang Pilipino habang nakaligtas ang isa pa sa nangyaring aksidente sa Palau.
Ipinabatid ito ng Department of Foreign Affairs o DFA base na rin sa report ng Philippine Consulate General sa Agana na nagsasabing nawalan ng preno ang sinasakyang truck ng mga Pinoy nitong nakalipas na Setyembre 29 kaya’t nahulog ang truck sa dagat.
Ayon kay Consul General to Agana Marciano De Borja, patuloy na nakikipag ugnayan ang consulate general sa mga otoridad sa Palau para makakuha ng karagdagang detalye sa aksidente.
Kasama rin sa pino-proseso ng consulate general ang pagpapauwi sa mga labi ng mga biktima.
Nabatid na sasagutin naman ng employer ng mga biktima ang gastusin sa pagpapadala ng labi ng mga biktima pauwi ng Maynila.
Lumalabas sa paunang imbestigasyon ng mga otoridad sa Palau na walang foul play sa aksidente.
Nagpaabot na ng pakikiramay ang DFA sa pamilya ng mga nasabing Pinoy kasabay ang pagtiyak na bibigyan din ng tulong ang nakaligtas na Pinoy.