Patay ang dalawang Pilipino sa India dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Philippine Ambassador to India Ramon Bagatsing, Jr., ang mga nasabing Pinoy ay nagpositibo sa COVID-19 noong ika-23 ng Abril at nasawi makalipas ang tatlong araw, sa gitna na rin nang pagsipa ng kaso ng virus sa India na pumapalo na sa mahigit 1-milyong bagong kaso, hindi pa man natatapos ang linggong ito.
Sinabi ni Bagatsing na napakabilis ng mga pangyayari at sadyang traydor ang nasabing virus na tinatawag aniyang double mutant strain.
Tumanggi namang kilalanin ni Bagatsing ang mga nasabing Pinoy na pawang nasa managerial level ang trabaho sa India bilang respeto na rin sa pamilya ng mga ito.
Kasabay nito, ipinabatid ni Bagatsing na 20 iba pang Pilipino sa India ang infected din ng COVID-19.