Igigiit pa rin ng Alliance of Concerned Transport Operators o ACTO na ibigay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB sa lalong madaling panahon ang hinihingi nilang dalawang pisong dagdag sa pasahe sa jeepney.
Pahayag ito ni Efren De Luna, National President ng ACTO sa harap pag-apruba ng LTFRB sa pisong pansamantalang dagdag sa minimum na pasahe sa jeep.
Ayon kay De Luna, naramdaman na rin ng LTFRB ang malaking hirap ng operators at drivers kaya’t nagbigay sila ng provisional increase habang dinidinig pa ang orihinal nilang petisyon.
Maliban anya sa mataas na presyo ng langis, apektado rin sila ng pagtaas ng presyo ng piyesa, ang dalawampung porsyentong diskwento sa mga estudyante at senior citizens at malaking bawas sa bilang ng kanilang biyahe dahil sa traffic.
“’Yun po ang nawawala kaya nga po nakita ng LTFRB na kailangan, at ‘yung sinabing P2 sa unang apat na kilometro ay pantakip lang talaga na mga gastusin na nawala sa amin na, tintingnan din po natin ang kabuhayan ng ating mga mamamayan.” Ani De Luna
Kasabay nito, nanawagan si De Luna sa LTFRB na agad nang ipalabas ang memorandum para sa inaprubahan nilang pisong provisional increase.
Una nang sinabi ng LTFRB na magkakabisa lamang ang pisong provisional increase kapag nakapagpalabas na silang formal order.
“Kaya nga po ‘yun ang hinihiling namin na nagbigay na rin naman sila sa ganung proseso at naintindihan na nila ang aming mga hangarin ay dapat na agarang ibigay ang order para mapa-implementa po ‘yan kung hindi man bukas ay sa Lunes.” Pahayag ni De Luna
‘Malaking tulong sa mga tsuper’
Pinasalamatan ng mga transport group ang LTFRB sa pagbibigay ng pisong provisional fare increase sa mga jeepney.
Ayon kay Fejodap President Zenaida Maranan, natutuwa sila na nauunawaan ng LTFRB ang sitwasyon ng mga operator at tsuper sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Malaking bagay ito lalo’t inaasahang nasa isandaan hanggang dalawandaang piso ang madadagdag sa kita ng mga tsuper.
Samantala, dahil wala pang inilalabas na order ukol dito ang LTFRB, nagpasya ang mga miyembro ng Fejodap na bukas na pormal na ipatupad ang dagdag na piso sa minimum fare.
—Ralph Obina / (Ratsada Balita Interview)