Hindi pinayagan ng Philippine Military Academy (PMA) na maka-graduate ang dalawa nilang kadete matapos mabatid na lumabag ang mga ito sa regulasyon ng paaralan.
Ayon kay PMA public information office head, major Reynan Afan, hindi naabot ng dalawang hindi pinangalanang kadete ang basic requirement para makagraduate kasunod ng kanilang nalabag na regulasyon.
Tiniyak din ni Afan na kanilang pananagutin ang dalawang kadete sa nagawang paglabag sa kabila nang pagkakasama na ng mga ito sa pinal na listahan ng mga magtatapos sa PMA Mabalasik Class of 2019.
Gayunman, sinabi ng opisyal na may posibilidad pa ring maka-graduate ang dalawa depende sa magiging resulta ng assessment ng PMA academic board.
Tumanggi naman si Afan na idetalye kung ano ang nalabag ng dalawang kadete.
Dahil sa pangyayari, mula sa orihinal na 263 graduating cadets, 261 na lamang ang magmamartsa para sa kanilang graduation ceremony ngayong araw na inaasahan namang dadaluhan ni Pangulong Rodrigo Duterte.