Inirekomenda ng Philippine Military Academy (PMA) na matanggal sa serbisyo ang dalawa nilang civilian instructors matapos makitaan ng kapabayaan sa pagkalunod ni Cadet 4th Class Mario Telan Jr..
Batay ito sa katatapos lamang na imbestigasyon ng PMA sa insidente.
Dahil dito, maaaring patawan ng perpetual disqualification ang mga instructors na sina Robert Bete at Antonio Catalan at hindi na maaari pang humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
Maliban dito, maaari ring mawalan ng retirement benefits at pagbawalang kumuha ng civil service examination ang dalawang instructor.
Samantala, pinag-aaralan din ng PMA ang pagpaparusa sa pinuno ng kanilang sports and physical development unit at dalawang cadet marchers na responsible sa pag-account ng kanilang mga kaklase bago at matapos ang swimming lessons.
Nananatili namang suspendido ang swimming classes sa mga kadete sa lahat ng antas sa PMA hangga’t wala pang nailalatag na bagong safety measures. — ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)