Ininterbyu at isinailalim na sa screening ni Pangulong Aquino ang dalawang contender para maging susunod na PNP Chief.
Ito’y sa gitna ng walang permanenteng hepe ang PNP ng mahigit anim na buwan matapos masuspinde ng Ombudsman hanggang sa magbitiw sa puwesto si dating PNP Chief Director General Alan Purisima.
Kabilang sa mga ipinatawag at ininterbyu ni PNoy ang bagong promote na si PNP Deputy Director General Danilo Constantino, PNP Directorial Staff at PNP Deputy Director for Operations P/Deputy Director General Ricardo Marquez.
Una rito, sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas na kritikal ang 2016 national elections, kaya dapat ang susunod na PNP Chief ay lagpas hanggang Hunyo 2016 ang pagreretiro sa serbisyo.
Samantala magreretiro na rin sa darating na Hulyo 19 si PNP Officer-in-Charge P/Deputy Director General Leonardo Espina.
By Mariboy Ysibido