Ipinasisibak na sa serbisyo ni Philippine National Police o PNP Chief, Director General Ronald Dela Rosa ang dalawang police escort ni Diane Uy, anak ng drug queen na si Yu Yuk Lai.
Ayon kay Dela Rosa, wala na sa organisasyon ng PNP ang katapatan ng dalawang police escorts na sina PO3 Walter Vidad at PO2 Faizal Sawadjaan kundi ang loyalty nito ay napunta na sa pinoprotektahan nilang si Uy.
Batid aniya ng dalawang pulis na anak ng drug queen sa Correctional ang kanilang binabantayan pero hindi ito inireport sa pamunuan ng Police Security Protection Group at piniling manahimik na lang.
Tumatanggap ang dalawang police escort ng tig-isang libong pisong (P1,000.00) allowance kada araw mula kay Uy, bagay na nagtulak marahil sa dalawang pulis na magbulaglagan at manahimik.