Patay ang dalawang (2) police official matapos ang nangyaring engkwentro sa pagitan ng government security forces at mga miyembro ng Maute group sa Marawi City.
Kinilala ni Philippine National Police o PNP Spokesman Sr. Supt. Dionardo Carlos ang mga nasawi na sina Senior Insp. Freddie Solar (Chief of Police ng Saguiran Police sa Lanao del Sur) at Senior Insp. Edwin Placido (hepe ng Marawi Police).
Ipinabatid ni Carlos na wala pa silang hawak na impormasyon tungkol sa sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na may napugutang pulis sa Marawi.
Samantala, sinabi ni Carlos na bagamat totoo na inatake ng mga teorista ang istasyon ng pulisya sa Marawi, wala naman aniya silang natatanggap na anumang report hinggil sa umano’y pagsunog at pagkubkob ng mga ito sa nasabing istasyon.
Publiko hindi dapat mangamba sa deklarasyon ng martial law sa Mindanao
Umapela ang PNP o Philippine National Police sa publiko na huwag mangamba sa deklarasyon ng martial law sa Mindanao, kasabay ng pagtitiyak na hindi aabuso sa kapangyarihan ang mga pulis.
Ayon kay Chief Insp. Jose Najera ng PNP Legal Service, walang mababago sa ipinaiiral na sistema ng pulisya kahit pa may batas militar.
Sa ngayon, may nakahandang memorandum ang PNP na naglalaman ng guidelines ng mga dapat at hindi dapat gawin ng mga pulis sa ilalim ng martial law.
Ilan sa nakasaad sa draft ng guidelines ay dapat walang warrantless arrest, maliban na lamang kung naaktuhang may ginagawang krimen.
Hindi rin maaaring ikulong ng lagpas ng tatlong araw ang sinumang akusado at dapat pairalin ang police operational procedure.
By Meann Tanbio | With Report from Jonathan Andal