Mistulang ipinako na sa krus ng kahihiyan ang dalawang police trainee matapos masibak sa puwesto, sampahan ng kaso at nanganganib pang alisin sa serbisyo dahil sa panggagahasa ng isang 23 anyos na dalaga sa Rodriguez, Rizal.
Kinilala ng Rodriguez Municipal Police Station ang mga suspek na Police Trainee na sina AJ Magsino at Jack Marquez.
Ayon kay Rodriguez Chief of Police na si P/Col. Marcelino Pipo, naka-off duty na ang dalawang suspek nang magkayayaan na tumakas sa kanilang quarters para mag-inuman sa labas.
Duon inimbitahan ng Trainee na si Magsino ang kaniyang textmate na babae at saka inaya na magcheck-in sa kalapit na motel kung saan ito halinhinang ginahasa.
Ito ang nagtulak sa biktima na magpasaklolo sa mga pulis kung saan agad naaresto ang sina Magsino at Marquez at sinampahan ng kasong rape.
Maliban sa kasong kriminal, umuusad na rin ang kasong Administratibo laban sa dalawang Police Trainee sa Regional Training Center ng CALABARZON PNP. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)