Nag-negatibo sa bird flu ang dalawang poultry workers mula sa Pampanga na una nang ini-isolate at binantayan ng Department of Health o DOH makaraang makaranas ang mga ito ng ubo at lagnat.
Ayon kay Health Secretary Paulyn Ubial, matapos mag-negatibo sa ginawa nilang pagsusuri sa swab at blood sample ng mga ito ay agad na pinauwi ang dalawa at pinabaunan na lamang ng anti-viral na mga gamot.
Ayon kay Ubial, normal na ubo at lagnat lamang ang naranasan ng dalawang manggagawa.
Kaugnay nito, ayon sa kalihim, agresibo ang DOH sa ginagawa nitong pagmo-monitor sa iba pang poultry workers na na-exposed sa mga infected na manok.
Aniya, kahapon ay na-screen na ang lahat ng poultry workers sa lugar, napagkalooban na ng anti-viral medicines at nabigyan na rin sila ng training kaugnay sa paggamit Personal Protective Equipment (PPE) o yung mga kagamitan na isinusuot para makaiwas sa exposure sa bird flu.
Samantala, nagsisimula na ang trace back investigation ng BAI o Bureau of Animal Industry para tukuyin ang pinagmulang ng bird flu virus sa San Luis, Pampanga.
Ayon sa BAI, kabilang sa tinitignag dahilan ay ang smuggling ng poultry products mula sa China.
Habang ikinokonsidera rin na posibilidad na dala ng mga migratory bird ang nasabing virus.
Dalawampung (20) taon naging bird flu free ang bansa hanggang sa makumpirma kamakailan na nagpositibo sa naturang sakit ang mga manok sa ilang poultry sa Pampanga.
By Aya Yupangco / Arianne Palma