Umakyat na sa siyam (9) ang bilang ng mga naaresto ng Philippine National Police (PNP) dahil sa indiscriminate firing o iligal na pagpapaputok ng baril.
Ayon sa PNP, dalawa (2) sa mga ito ay kanilang kabaro, isa ang Barangay Kagawad, isang security guard habang lima naman ang sibilyan.
Mula Disyembre 16, umaabot na sa labing apat (14) ang insidente ng illegal discharge of firearms kung saan karamihan dito ay galling sa Metro Manila.
Nananatili naman sa tatlo (3) ang sugatan dahil sa iligal na pagpapaputok ng baril habang dalawa (2) ang insidente ng ligaw na bala.
2 pulis nanganganib matanggal sa serbisyo
Nanganganib masibak sa serbisyo ang dalawang (2) pulis makaraang tanggalin ito sa puwesto dahil sa iligal na pagpapaputok ng baril.
Kinilala ang mga naturang pulis na sina PO1 Martin Jay Pagulayan na isang pulis Maynila at si PO1 Arnold Gabriel Sabillo na isa namang Pulis – Rizal.
Ayon kay Superintendent Chai Madrid, Deputy Spokesperson ng PNP, tinanggalan na ng tsapa at dinis-armahan na din ang mga naturang pulis bilang bahagi ng pagdidisiplina sa mga ito.
Sa panig naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Oscar Albayalde, agad tatanggalin sa serbisyo ang dalawang pulis sakaling mapatunayang walang dahilan ang mga ito para magpaputok ng baril.