Sinibak na sa pwesto ang dalawang pulis sa Cotabato City makaraang mag-viral ang video ng kanilang pagpunit ng mga shaded na balota matapos ang Halalan 2022 dahilan upang maghinalang maraming dinaraya.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Brig. Gen. Roderick Augustus Alba, kasalukuyang nasa holding center ang 2 pulis upang hindi maimpluwensyahan ang isinasagawang imbestigasyon.
Inihayag ito ni Alba matapos sabihin ni Comelec Commissioner George Garcia na “unfair” na sisihin ang PNP Kaugnay ng viral video habang iniimbestigahan ang isyu.
Tiniyak naman ng Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region na masusi nilang iniimbestigahan at bina-validate ang kumakalat na video sa social media.
Una nang inihayag ni Comelec Acting Spokesman John Rex Laudiangco na posibleng pagkakamali lang ito sa panig ng mga pulis pero duda pa sa ideyang isang uri ito ng pandaraya.