Arestado ang dalawang pulis-Maynila na naka-destino sa District Special Operations Unit habang iniimbestigahan ang apat na iba pa matapos ireklamo ng pangingikil.
Kinilala ang dalawang nadakip na pulis na sina PO1 Erdie Bautista at PO1 MJ Cerilla.
Ayon kay Manila Police District Director Chief Supt. Rolando Anduyan, nagsumbong ang kaanak ng isang human trafficking suspek sa Counter Intelligence Task Force sa Camp cramE na hinihingan sila ng P100,000 kapalit ng kalayaan ng kanilang kaanak.
Nagkatawaran at bumaba ito ng P50,000 at nagkasundo na sa MPD Headquarters mag-abutan ng pera.
Depensa ng hepe ng DSOU na si PCI Joselito Ocampo, lehitimo ang kanilang operasyon kontra human trafficking suspects at kumpleto ang kanilang mga dokumento.
Ayon naman kay Anduyan, hindi siya nakatanggap ng report ukol sa naturang operasyon.
Kasong robbery/extortion ang isasampa laban kina Bautista at Cerilla, habang sibak na sa puwesto si Ocampo.
(Ulat ni Gilbert Perdez)