Inihahanda na ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang isasampang kaso laban sa mga pulis na bumaril at nakapatay kay Private First Class Rodilo Bartolome, isang sundalong galing sa pakikipaglaban sa Marawi City na pauwi na sana sa kanyang pamilya sa Zamboanga del Sur.
Sa panayam ng DWIZ, ipinabatid ni AFP Spokesman Brigadier General Restituto Padilla na nakitaan ng paglabag sa police operation procedure ang dalawang sangkot na pulis na kinilalang sina PO2 Ronald Zeros at PO1 Michael Bullanday.
“Nakita natin na may angkop na ebidensya na dapat i-prosecute ang dalawang ito dahil marami silang violation sa procedure, sila po ay naka-motor, naka-civilian, walang ginagawa ang ating kaawa-awang sundalo, walang provocation at bigla na lamang pinaputukan.”
“Amin pong sasampahan ng kaso, meron na kaming naihandang legal documents, at mga angkop na ebidensya at witnesses na willing tumestigo sa kasong ito.” Ani Padilla
Kasalukuyang nasa restrictive custody ng PRO-Region 9 ang dalawang pulis.
Sinabi ni Padilla na nagluluksa ang buong Western Mindanao Command sa nangyari kay Bartolome at tinitiyak aniya nila ang tulong ng gobyerno sa pamilya ng nasawing sundalo.
Binigyang diin ni Padilla na hindi nila hahayaang maulit pa ang mga ganitong insidente ng paglabag mismo ng mga awtoridad.
Matatandaang napatay si Bartolome sa Barangay Monte Alegre Zamboanga del Sur matapos na pagkamalang gun for hire ng mga pulis.
By Aiza Rendon / Sapol Interview
Photo Credit: PCO