Pormal nang nagsumite ng kanilang kontra salaysay ang mga Pulis Caloocan na itinuturong pumatay sa mga binatilyong sina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo de Guzman alyas Kulot.
Personal na nanumpa sina PO1 Jeffrey Perez at PO1 Ricky Aquilita sa harap ng DOJ o Department of Justice Panel of Prosecutor na pinamumunuan ni Asst/State Prosecutor Emilia Victorio.
Sa limang pahinang salaysay ni PO1 Perez, nanindigan nitong rumesponde lamang sila sa sumbong ng taxi driver na si Tomas Bagcal na naholdap umano ng dalawa sa C-3 road sa Caloocan nuong Agosto a-18.
Giit ni Perez, si Arnaiz aniya ang unang nagpaputok, kaya’t ito aniya ang nagbigay sa kanila ng dahilan para gumanti kaya’t napatay nila si Arnaiz.
Kasunod nito, inatasan ng DOJ ang mga complainant sa kaso na magsumite ng kanilang komento o kontra salaysay at kanila itong isusumite sa Oktubre a-23, araw ng Lunes.