Pinasisibak na ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Archie Gamboa sa serbisyo ang dalawang pulis na sangkot sa panggagahasa at pagpatay sa isang 15 anyos na dalagita sa Cabugao, Ilocos Sur.
Sa press briefing ng PNP Chief sa Kampo Crame ngayong araw, sinabi nito na inatasan na niya ang Pnp Internal Affairs Service (PNP-IAS) upang maglabas ng resolusyon sa loob ng 15 araw.
Upang maging patas, bibigyan naman ng pagkakataon sina P/Ssgt. Marawi Torda at P/Ssgt. Randy Ramos para tumugon sa loob ng limang araw mula nang ilabas ang resolusyon.
Kapwa ipinagharap ng kasong rape ang dalawang pulis at nadagdagan pa ito ng murder para kay Ramos habang frustrated murder naman kay Torda at kasalukuyang nasa restrictive custody na ang mga ito sa Ilocos Sur Provincial Police Office.
Una nang tinawag ni Gamboa na animal, walang puso at walang kuwentang pulis sina Ramos at Torda dahil sa karumal-dumal na paglapastangan nito sa dalawang dalagita.